MANILA, Philippines — Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang tatlong magkahiwalay na petisyon na kumukuwestiyon sa interpretasyon ng Senate Impeachment Court hinggil sa two-thirds vote na kinakailangan upang mahatulan si Vice President Sara Duterte.
Ayon sa SC, ibinasura ang mga petisyon sa procedural grounds, kabilang ang kawalan ng legal standing at pagiging premature ng mga ito. Ang mga petisyon ay inihain nina dating Executive Secretary Victor Rodriguez, Berteni Cataluña Causing, at abogado Ernesto Francisco Jr.
Noong Setyembre 23, 2026 nagpasya ang Senate Impeachment Court na ang pariralang “all the Members of the Senate” sa Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution ay tumutukoy sa mga senador na legal at aktuwal na may kakayahang lumahok sa impeachment proceedings sa oras ng botohan.
Dahil dito, hindi na awtomatikong ibinabatay sa buong 24 na senador ang two-thirds o 16 na bilang requirement. Sa halip, nakabatay ito sa bilang ng mga senator-judge na legal at aktuwal na makalalahok sa oras ng final vote.
Iginiit ni Rodriguez na tila nagdagdag ng kondisyon ang Senate Impeachment Court sa interpretasyon ng Konstitusyon nang bigyang-kahulugan nito ang pariralang “all the Members of the Senate.” Hiniling niya sa SC na ipawalang-bisa ang ruling at maglabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapatupad nito.
Samantala, iginiit ni Causing na dapat pa ring mabilang sa voting threshold ang mga senador na nananatiling miyembro ng Senado kahit sila ay nagtatago, nakakulong, o hindi makadalo dahil sa kondisyong medikal.
Hiniling din niya sa SC na maglabas ng status quo ante order at TRO upang pansamantalang pigilan ang anumang final vote sa conviction ni Duterte habang nakabinbin ang kanyang petisyon.
Iginiit naman ni Francisco na dahil 24 ang kabuuang miyembro ng Senado, kinakailangan ang 16 na boto upang ma-convict si Vice Preside Sara Duterte. Ayon sa kanyang argumento, nananatiling mga miyembro ng Senado ang mga senador na nakakulong, naka-medical leave, o pansamantalang hindi nakadadalo at dapat silang isama sa bilang.
Ang ruling noong Setyembre 23 ay resulta ng 13-1 na boto ng Senate Impeachment Court matapos nitong pagtibayin ang apela ni Sen. Erwin Tulfo noong Setyembre 8, 2026,
Binaligtad nito ang naunang ruling ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero noong Hulyo 6, na nagtakda ng 16 na boto bilang conviction threshold batay sa buong 24-member Senate.
Sa ilalim ng bagong interpretasyon, ang pariralang “two-thirds of all the Members of the Senate” ay kakalkulahin gamit ang mas maliit na bilang ng mga senador na itinuturing na legal at aktuwal na makalalahok sa botohan.
Hindi isinasama sa bilang ang mga senador na nakakulong, suspendido, nagtatago, medically incapacitated, o wala sa ilalim ng proseso ng pagpapatupad ng kapangyarihan ng Senado.
Sa pagbasura ng SC sa tatlong petisyon, nananatiling nakabinbin at umiiral ang interpretasyon ng Senate Impeachment Court hinggil sa voting threshold habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings laban kay Sara Duterte